33

Jan 5, 2022 @ 13:37
By

Chiz sa PhilHealth: Ipagpaliban pagtaas ng kontribusyon ng mga miyembro

Umapela si Sorsogon Gov. at senatorial candidate Chiz Escudero sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipagpaliban muna ang pagtataas ng kontribusyon ng mga miyembro ngayong 2022 kasabay ng kanyang panawagan sa mga mambabatas na magpasa ng isang batas na magsususpinde sa nakatakdang pagtaas ng kontribusyon sa ilalim ng Universal Health Care Act, lalo’t maraming miyembro ang patuloy na naaapektuhan ng pandemya na magdadalawang taon na.

“Nasa gitna pa rin tayo ng pandemya at mukhang matatagalan pa bago magbalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao, kaya’t nananawagan ako sa PhilHealth na huwag munang magpatupad ng mandatory increase sa kontribusyon ng mga miyembro nito habang wala pang naipapasang batas na mag-aamyenda sa UHC law,” sabi ni Escudero.

“Kung sakaling magpasya ang ahensya na huwag nang palawigin pa ang pag-aantala sa pagtaas ng buwanang kontribusyon, milyong Pilipino ang maapektuhan at tiyak na ito ay magiging dagdag pabigat pa sa kanila,” dagdag niya.

Ginawa ni Escudero ang kanyang mga panawagan sa harap ng mga reklamo ng maraming PhilHealth members na tinatanggihan ng mga payment center ang kanilang bayad dahil wala pa raw abiso ang ahensiya tungkol sa bagong rate.

Noong 2021, magiging P350 sana ang kontribusyon ng mga kumikita ng P10,000 pababa kada buwan habang P350-P2,450 naman sa mga sumusuweldo ng P10,000,01- P69,999.99 kada buwan at P2,450 sa P70,000 subali’t ipinahinto ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa matinding epekto ng pandemya sa kabuhayan at trabaho ng mga Pilipino.

Ngayong 2022, nakatakdang maging P400 ang kontribusyon ng mga may sahod na P10,000 pababa kada buwan habang P400-P3,200 naman ang may mga sweldo na P10,000.01-P79,999.99 kada buwan. P3,200 naman sa P80,000.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?