82

Jun 19, 2021 @ 16:32
By

Chiz bukas na tumakbo sa pagka-senador

Bukas si Sorsogon Governor Chiz Escudero na muling tumakbo sa pagka-senador sa 2022.

Sa isang panayam nitong Sabado, sinabi ng dating senador na nais niya muling tumakbo bilang mambabatas dahil nais niyang maging kabahagi sa paghahanap ng solusyon sa mga problema ng bayan.

“Kung tatakbo man ako sa darating na eleksyon muli kong ilalagay ang pangalan ko sa balota sa pagka-senador dahil nais kong maging bahagi ng paghahanap ng solusyon at naniniwala ako na may mas magagaling pa sa akin na mamuno sa aming lalawigan at baka ‘pag matagal ako mawala sa piling ng asawa ko ay may mas malaking tsinelas na sa labas ng aming bahay na hindi sa akin o kanya,” wika ni Escudero.

Nilinaw rin ng gobernador na wala na siyang balak na tumakbong muli sa lalawigan sa susunod na taon.

“Hindi na dahil ayoko namang imonopolya ang aming lalawigan. Bigyang pagkakataon ang mas magagaling sa akin na pamunuan ang aming lalawigan,” dagdag pa ni Escudero.

At kung sakali mang tatakbo siyang muli sa pagka-senador, batid ng gobernador na malaki na ang pagbabago sa istilo ng pangangampanya.

“Malaking pagbabago dahil sa pandemic, mas malakas ang soc med at mas malakas ang internet; malaking kapangyarihan ng incumbent local officials, ideklara lang lockdown kung saan ang kalaban nila di na makakagalaw,” aniya.

Si Escudero ay nanilbihan bilang senador mula 2007 hanggang 2019, at tumakbo rin sa pagka-bise presidente noong 2016 ngunit nabigo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?