30

Jul 19, 2021 @ 20:49

Chinese warship tiklop sa coast guard

NAGAWANG maitaboy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese Navy warship na namataan sa Marie Louise Bank sa Palawan noong isang linggo.

Ito ang sinabi ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo. Nakuha aniya ang report kaugnay sa nangyari nitong Hulyo 13 kung saan ang BRP Cabra (MRRV-4409) ay nakakita ng Chinese Navy warship sa lugar kayat naglabas sila ng radio challenge laban sa dayuhang barko.

Lumapit din ang BRP Cabra sa Chinese Navy warship para manmaman ang ginagawa nito.

Hindi ito sumagot sa radio challenge kayat gumamit ang BRP Cabra ng long range acoustic device para maglabas ng verbal challenge laban sa warship. Doon ay umalis na ang Chinese ship.

Sinundan ito ng BRP Cabra hanggang sa makalabas ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Nang makarating sa distansyang 0.25 hanggang 0.30 nautical miles mula sa PCG vessel, saka nagsalita ang Chinese Navy warship.

“Philippine Coast Guard 4409, this is Chinese Navy Warship 189. Please keep two nautical miles distance from me,” sabi ng Chinese Navy warship.

Patuloy naman ang BRP Cabra sa pag-monitor sa warship gamit ang Rules on the Use of Force hanggang sa tuluyan itong makaalis. (Kiko Cueto)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?