1,783

Jan 3, 2018 @ 10:47
By

Chinese trade, ninakawan na pinagtataga pa ng 2 helper

Patay ang isang negosyanteng Chinese national matapos pagnakawan at pagtatagain ng kaniyang dalawang helper na isang lalaki at babae kamakalawa ng gabi sa Paranaque City.

Sanhi ng maraming tama ng taga sa katawan, namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Rongdiao Shi, 47, may asawa, nakatira sa No. 22 Villa Carolina Town House, Brgy. Tambo ng naturang lungsod.

Kinilala naman ng pulisya ang person of interest na helper nitong si Rocky Dela Fuente, taga Sampaloc, Maynila, at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng isang babae na umano’y kasabwat nito.

Bago ang insidente, nabatid na nakipag-inuman ang biktima sa ilang kapwa nitong Chinese nationals sa kaniyang tinitirhan sa No. 22 Villa Carolina Town House, Brgy. Tambo, Paranaque City.

Matapos magtungo ang dalawang helper nito sa kapitbahay nito para makipag-inuman din.

Bandang alas-11:00 ng gabi ay bumalik ang dalawang helper sa bahay ng amo nitong si Shi.

Pagkatapos ay muling bumalik si Dela Fuente sa bahay ng kaniyang kaibigang sina Jeffry Sy at Ranel Bordago, at nagpunta sila ng City Of Dreams para mag-casino.

Habang nasa loob sila ng casino, napansin nina Sy at Bordago na may hawak na dalawang unit ng cellphone at perang dollar si Dela Fuente.

Dakong alas-12:10 ng hatinggabi, nang matagpuan ang wala ng buhay ang biktima at nakita ng naka-duty guwardiya ng Carolina Townhouse si Dela Fuente at isang babae na may dalang isang bagong electric fan na pag-aari umano ng biktima hanggang sa sumakay ang mga ito sa isang taxi na may plakang UWN-694.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente habang pinaghahanap ang mga salarin. (Armida Rico)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?