112
magdalo-gary-alejano
May 28, 2018 @ 11:42
By

Chinese pa rin sa Marawi rehab

Hindi maiwasang magtanong at magtaka kung bakit Chinese companies ang karamihan sa kasama sa gagawing rehabilitasyon ng Marawi City. Ano ba ang mayroon sa mga Chinese companies na tinapik ng administrasyong Duterte at tila sila na naman ang napaboran? Bahagi na naman ba ito ng China-dependent foreign policy ng administrasyong Duterte kapalit ng mga pautang ng China?

Sa walong kumpanya na kabilang sa Bagong Marawi Consortium, lima dito ay Chinese companies at ang tatlo ay Filipino companies. Sa mga Chinese companies na mangunguna sa rehabilitasyon ng Marawi City, dalawa sa mga ito, ang China State Construction Corp., at China Geo-Engineering Corp., ay minsan nang blacklisted sa World Bank. Maging ang mismong Department of Public Works and Highways natin ay pinagbawalan din ang mga nasabing mga kumpanya na lumahok sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa imbestigasyon ng World Bank, natuklasan na nagkaroon ng cartel bidding sa kontrata ng Phase One ng Philippine National Road Improvement and Management Program. Nabatid na nagsabuwatan ang mga kumpanyang sumali sa bidding para sa nasabing proyekto kaya pinagbawalan ng World Bank ang China State Construction Corp., at China Geo-Engineering Corp. na sumali sa bidding ng proyektong kanilang pinondohan sa Pilipinas. Hanggang ngayon ay sangkot ang mga kumpanyang ito sa mga isyu ng katiwalian sa iba’t ibang bansa.

Mayroon nang bad record ang dalawang kumpanyang ito pero bakit tila maluwag na kinuha pa rin ng administrasyong Dutete ang mga ito para sa rehabilitasyon ng Marawi City? Ano ang pinagkaiba ng mga Chinese companies na sangkot sa anomalya sa mga opisyales sa gobyerno na pinagsisisibak ng Pangulo dahil sangkot umano sila sa katiwalian?

Bukod pa sa bad record ng mga kumpanyang ito, nakakabahala na ang rehabilitasyon ng Marawi City ay pangungunahan ng mga Chinese companies at hindi mga Pilipino. Paano natin masisiguro na interes ng mga kababayan nating Maranao ang uunahin at kokonsiderahin sa muling pagbangon ng Marawi?

Hindi pa rin malinaw kung paano babawiin ng mga Chinese companies na ito ang kanilang mga investments sa rehabilitasyon ng Marawi. Ililipat din ba ang mga gastos sa mga residente o may iba pang pag-uusap ang administrasyong Duterte na kapalit ng bilyong-bilyong salapi na kakailanganin sa rehabilitasyon?

Isa ang sigurado dito; may epekto pa rin ito sa ating bilateral ties sa China at sa ating tayo sa isyu ng West Philippine Sea. Ang dalawang Chinese company na nabanggit at mga state-owned enterprises o pinapatakbo at pinopondohan ng mismong gobyerno. Sa Bagong Marawi Consortium, ang kausap natin dito ay hindi lamang mga kumpanya kung hindi mismong gobyerno ng China. Muli, isa na naman itong sitwasyon kung saan nakadepende na naman tayo sa China kapalit ng pananahimik ng Pilipinas sa pang-aagaw nila ng mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?