107

Aug 10, 2019 @ 16:47
By

Chinese natagpuang patay, nakaposas sa mall

Nalaglag o nilaglag sa isang mall.

Ito ang masusing iniimbestigahan ng mga tauhan ng Las Piñas City Police para matukoy ang totoong nangyari sa pagkamatay ng isang Chinese national na natagpuan sa isang shopping mall, Biyernes ng umaga.

Naisugod pa sa Asian Hospital sa Muntinlupa City ang biktimang si Yang Kang, 27, binata, nagtatrabaho sa isang Chinese company at nangungupahan sa Vista Mall sa Alabang, Zapote Road, subalit nalagutan din ng hininga alas-9:30 ng umaga.

Base sa report, alas-7:30 ng umaga natagpuan ng isang mall security guard si Yang na duguan at walang malay habang nagsasagawa siya ng routine inspection.

Sinabi ng guwardiya na natagpuan pa niya ang dayuhan na nakaposas ang mga kamay at hinihinalang nalaglag buhat sa itaas ng mall.

Agad namang ini-report ng security agency ng mall ang insidente sa Police Community Precinct-3 na rumesponde sa lugar at nagdala sa biktima sa Las Piñas District Hospital bago inilipat sa Asian Hospital kung saan ito binawian ng buhay.

Ilan din sa mga kasamahan ng dayuhan ang kinuhanan ng salaysay ng pulisya hinggil sa naganap na insidente.

Patuloy ding sinusuri ng mga awtoridad ang closed circuit television (CCTV) ng mall na posibleng nahagip ang insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?