122

By

Chinese na nagsaboy ng taho sa pulis, nasa kustodiya na ng Immigration

Nakakulong na sa warden facility ng Bureau of Immigration (BI) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang Chinese na nagsaboy ng taho sa isang pulis noong February 9.

Kinumpirma ni BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval na sa bisa ng Mission Order na inisyu ni BI Commissioner Jaime Morente, nailipat na sa kustodiya ng kawanihan si Zhang Jiale dahil sa paglabag sa mga immigration law.

Paliwanag pa ni Sandoval, nahaharap na sa reklamo si Zhang dahil sa pagiging undesirable alien at pagiging banta sa interes ng publiko.

“The incident showed her disrespect towards persons of authority, which in turn shows her disrespect to the country,” dagdag ni Sandoval.

Inaasahan umanong sa susunod na linggo ay maresulba na ng BI ang kanyang kaso.

Paglilinaw pa ni Sandoval, magkaibang bagay ang kaso sa korte na isinulong ni PO1 William Cristobal at ang immigration case laban kay Zhang.

Kaya sakaling iutos ang deportation ng dayuhan, hihintayin muna ng kawanihan ang kahihinatnan ng kanyang kasong kriminal bago maipatupad ang deportation order.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?