13

Nov 24, 2021 @ 16:02
By

Chinese embassy binulabog ng mga mangingisda

Sumugod ang isang grupo ng mga mangingisda sa embahada ng China sa Makati City kanina upang ipahayag ang kanilang protesta sa ginawang paninindak ng Chinese Coast Guard sa mga nagdadala ng rasyon para sa mga sundalong Pilipino sa Ayungin Shoal.

Giniit ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa China na irespeto ang karapatan ng mga Pilipino sa karagatan ng bansa, partikular na sa West Philippine Sea, at hayaan ang mga Pinoy na mangingisda pumalaot.

Sabi ni Pamalakaya vice chair for Luzon Bobby Roldan, ang protesta kahapon ay para ipaalala sa China na hindi titiklop ang mga mangingisdang Pinoy sa pananakot ng China at paninindak sa West Philippine Sea.

Layon din aniya ng kilos protesta na ipakita na ipinaglalaban nila ang teritoryo at karapatan ng mga mangingisdang Pinoy sa mga dayuhan kahit gaano pa kalaki sila.

Aniya, pagmamayabang at pananakot ang ginawa ng Chinese Coast Guard sa mga supply boat.

Giit ni Roldan na pag-embargo na ang ginawa ng China na immoral at hindi makatao. Aniya pa, kng magagawa ng China ito sa militar ng Pilipinas, paano na lalo ang mga mangingisdang Pinoy.

Sabi ng Pamalakaya, hihingi sila ng suporta sa ibang bansa para mapuwersang pagbayarin ang China sa paninira nito sa karagatan ng Pilipinas dahil mahigit 600,000 mangingisdang Pinoy ang apektado nito.

“China should be compelled to pay for damaged reefs caused by its aggression and plunder as well as make them pay back rent fo the years of illegal occupation of sea features in our exclusive territory,” sabi ni Roldan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?