36

By

Chinese ambassador hindi ipapatawag ng Malacañang

Walang balak ang Malacañang na ipatawag si Chinese Ambassador Zhao Jianhua para pagpaliwanagin kaugnay sa insidente ng pagbangga ng Chinese fishing vessel sa nakaangklang bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank sa Palawan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang hurisdiksiyon si Pangulong Rodrigo Duterte kay Zhao dahil hindi ito opisyal ng Pilipinas.

Bukod dito, sinabi ng kalihim na walang plano ang Pangulo dahil sa tingin nito ay kumikilos ang China at naglabas na rin ng pahayag si Ambassador Zhao para sa maingat na pagkuha ng mga impormasyon.

“We cannot summon the ambassador. Wala naman tayong jurisdiction kay ambassador, we are not the government of China to summon an official of China. The word is ‘invite.’ But we feel—or the President, I think, is not inclined to do that because ang feeling niya talagang—unang-una, ginagawa na nila, may statement na si ambassador about seriously and cautiously studying the facts,” ani Panelo.

Sinuportahan naman ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles ang pahayag ni Panelo na nagsabing nabanggit ang posibleng pagpapatawag sa Chinese ambassador sa ginanap na cabinet cluster meeting noong Lunes subalit hindi ito napagkasunduan ng lahat ng dumalong gabinete.

Nauna rito, inihayag nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Agriculture Secretary Manny Piñol na iimbitahan si Zhao sa Malacañang para marinig ang posisyon kaugnay sa naganap na insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?