19

Nov 25, 2021 @ 16:24
By

China walang ‘K’ itaboy ‘Pinas sa Ayungin Shoal – Poe, Villanueva

Kinontra nina Senadora Grace Poe at Senador Joel Villanueva ang panawagan ng China na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon kay Poe, ang Ayungin Shoal ay pag-aari ng Pilipinas at pwede diktahan ng China ang gobyerno na alisin anumang barkong naka-istasyon doon.

“Idineklara sa 2016 arbitral ruling na ang Ayungin Shoal ay sa Pilipinas at bahagi ng ating exclusive economic zone at continental shelf. Walang karapatan ang China na idikta kung ano ang dapat nating gawin sa ating karagatan,” ani Poe.

Sabi ng senadora, ang pagdikta ng China na alisin ang BRP Sierra Madre mula sa bahura ay isa na namang pagpapakita ng pagiging arogante at agresyon na hindi natin dapat upuan na lamang.

Bukod sa diplomatikong protesta, dapat pagsumikapan ng ating gobyernong himukin ang mga kalapit nating bansa na bumuo ng alyansa laban sa hindi katanggap-tanggap na pagkilos ng China.

“Muli’t muli, maraming mga bansa ang tumindig para sa atin at nakiisa sa ating layuning matiyak ang kapayapaan, seguridad at kaayusan. Ang paggalang sa isa’t isa ay dapat laging pundasyon ng ating relasyon sa alin mang bansa,” ayon pa kay Poe.

Samantala, sinabi ni Villanueva na walang karapatang mag-isyu ng eviction order ang isang trespasser kagaya ng China.

“Trespassers have no right to issue an eviction order. Ayungin Shoal is part of the continental shelf that is 104 nautical miles from the archipelagic baseline of Palawan and thus within our country’s 200-nautical mile EEZ under UNCLOS,” paliwanag ni Villanueva.

“Our ship has been there since 1999. To argue otherwise is to suffer from historical amnesia and geographical ignorance,” sambit pa nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?