164
magdalo-gary-alejano
Jan 30, 2018 @ 17:23
By

China: Pati ating pagkain, gustong agawin

Hindi dapat tayo magsawalang-bahala sa pagpapahintulot ng administrasyong Duterte sa China na magsagawa ng marine research sa Benham Rise dahil ang usaping ito ay hindi lang pumapatungkol sa ating pambansang seguridad kundi pati na rin sa seguridad ng pagkain ng ating bansa.

Tandaan natin na mahigit sa isang bilyon ang populasyon ng China at malaki ang kanilang pangangailangan sa mga yamang-dagat. Hindi malabong bukod sa la­ngis ay pinupuntirya rin nila ang ating mga yamang-dagat sa Benham Rise.

Tiyak na imbes na tayong mga Filipino, mga Tsino na naman ang makikinabang sa mga yamang ito.

In-Content-Google-Tablet-Landscape
Huwag na tayong magtaka kung sa mga susunod na araw ay may mamataan na lang na mga mangingisdang Tsino sa Benham Rise para kamkamin ang mga yamang-dagat na dapat tayo ang siyang tumatamasa.

Ginagawa na nila ito sa Scarborough Shoal at sa iba pang parte ng ating katubigan sa West Philippine Sea at kayang-kaya rin nilang gawin ito sa ating Eastern seaboard gayong hindi naman pumapalag ang kasalukuyang administrasyon sa mga panghihimasok na ito.

Ang nakakadismaya pa ay ang mismong taga­pagsalita ng Malacañang ang nagsasabi na walang hawak na titulo ang Pilipinas sa Benham Rise, ga­yong mayroon tayong ‘full and exclusive sove­reign rights’ doon ayon na rin sa pagpapasya ng UN noong 2012. Lalo tuloy lumalakas ang loob ng China na patuloy na sakupin ang ating mga teritoryo.

Gayunpaman, nakakadagdag kumpiyansa na marami sa ating mga kababayan ang nagpapahayag ng kanilang pagtutol at mga saloobin tungkol sa usaping ito. Hinihikayat ko ang lahat na ipagpatuloy ang pagtatanggol sa ating mga teritoryo dahil sa atin nakasalalay ang seguridad ng mga susunod na henerasyon ng Filipino.

Walang ibang dapat makinabang sa Benham Rise at maging sa West Philippine Sea kundi ang mga Filipino. Walang karapatan ang China o sinumang bansa sa mundo na angkinin ang kung ano ang siyang atin.

Patuloy ang pagpoprotesta ng internasyonal na komunidad laban sa agresibong reklamasyon ng China sa kalakhan ng South China Sea, kaya walang dahilan para manahimik lang tayo, lalo na’t kasarinlan na ng bansa ang nakataya.

Pero tulad ng aking nasabi, nakakatuwa na mulat ang marami sa mga Filipino sa usaping ito at palagay ko ramdam ito ng Malacañang. Kung ang administrasyong ito ay nasa panig ng sambayanang Filipino, mai­ging pakinggan nila ang lubos nating pagtutol sa tahasang kataksilang ito.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa:
Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com
FB: /Rep.AlejanoMagdalo

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?