76

Oct 17, 2017 @ 14:19

China, nagpadala ng kagamitan para sa rehabilitasyon ng Marawi

Nakarating na sa Port of Iligan City ang mga heavy equipment na padala ng bansang China para gamitin sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar, 47 sets ng heavy equipment ang ipinadalang tulong ng China at kabilang dito ang mga sumusunod: walong set ng excavator; walong set ng wheel loader; limang set ng compactor; limang set ng track-type tractor; limang set ng bulldozer; walong set ng dump truck; walong set ng cement mixer at isang unit ng container van.

Pero madaragdagan pa umano ang mga kagamitan na ipadadala ng China.

“Through China’s Emergency Humanitarian Assistance Program, we expect seven more equipment to arrive,” saad ni Villar.

Ang DPWH ang tumatayong lead agency para sa Reconstruction Committee of the Task Force Bangon Marawi.

Kasabay nito, inanunsyo rin ni Villar na natapos na ng DPWH ang site development para sa anim na lugar na tatayuan ng transitory houses para sa mga residente ng Marawi na naapektuhan ng bakbakan.

Dagdag pa ng kalihim, prayoridad ng kagawaran ang pagkukumpuni sa mga kalsada at tulay para matiyak ang maayos na transportasyon sa pagitan ng Marawi at mga kalapit bayan. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?