179

Dec 16, 2017 @ 11:54

China, dinepensahan ang patuloy na konstruksiyon sa South China Sea

Dinepensahan ng China ang ginagawa nilang konstruksiyon sa pinag-aagawang isla sa South China Sea at sinabing ‘normal’ lang umano ito.

Ito’y matapos maglabas ng satellite images ang Washington-based Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) sa hakbang na ito ng Beijing na ginagawa nang isla nila ang halos kabuuan ng bahura sa Spratly at Paracel, at naglalagay na ng kanilang military facilities at mga kagamitan sa lugar.

Ayon sa AFP, sinabi umano ng AMTI na nagpapatuloy ang konstruksiyon nito ngayong taon sa kabila nang may gusot pa sa pinag-aagawang isla ng iba pang bansa gaya ng Vietnam, Malaysia, Brunei, Taiwan at Pilipinas.

Bilang tugon sa ulat ng AMTI, sinabi ni foreign ministry spokesman Lu Kang, “If China is conducting any peaceful construction activity or deploying necessary defence facilities, it’s very normal because it’s within our sovereignty.”

“We believe that some individuals are making a fuss about this. They’re trying to hype it up,” ani Lu sa isang news briefing.

Samantala, sa report ng Xinhua News Agency, inihayag umano na naglunsad na ng plano ang China para sa isang satellite upang masubaybayan ang mga kaganapan sa South China Sea.

Mag-uumpisa umano ang misyon nito sa 2019 kung saan tatlong optical satellites ang ilulunsad nila.

Kaugnay nito, matatandaang sinabi ng United Nations-backed International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS), na ang pag-angkin ng China sa pinag-aagawang isla ay walang ligal na basehan.

Subalit matapos maupo si Pangulong Rodrigo Duterte ng nakaraang taon, nagdesisyon itong hindi sundin ang hatol ng ITLOS para i-pressure ang China.

Mas pinili umano ng Pangulo na pagtibayin pa ang relasyon sa China kapalit ang bilyong dolyar na pamumuhunan at tulong nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?