22

By

China dapat pahingiin ng tawad sa Pinoy fishermen – Bam

Sharing is caring!

Kung ayaw magsampa ng diplomatic protest, hingin man lang sa China na mag-sorry sa mga Filipinong mangingisda na binuska ng Chinese coast guard sa Scarborough Shoal.

Hamon ito ni Senador Bam Aquino sa Malacañang na nagpasya nang hindi maghain ng protesta kaugnay ng insidente.

Ayon kay Aquino, dapat kampihan ng administrasyong Duterte ang mga mangingisda na inapi at pinagnakawan ng mga tauhan ng coast guard ng China.

Pero hindi raw ito ginagawa ng administrasyon.

“Dapat maghain ng pormal na protesta ang pamahalaan laban sa ginawa ng Chinese coast guard sa ating mga mangingisda. Pero kahit sorry, hindi man lang hiningi,” sabi ni Aquino.

Kung hindi gagawa ng anumang hakbang ang pamahalaan sa insidente, umano’y lalong lalakas ang loob ng mga Tsino at tiyak na uulitin ang pag-abuso at harassment sa mga Filipino.

Kung wala ring matapang na aksiyon ang gobyerno, mababalewala umano ang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitration case nito kontra China sa United Nations Arbitral Tribunal.

Una nang nakita sa video ang pagsampa ng mga Tsino sa bangka ng mga Filipinong nangisda sa Scarborough Shoal.

Sinabi ng embahador dito ng China na iniimbestigahan nila ang insidente pero sinabi ng kanilang foreign ministry na dahil sa kanilang kagandahang-loob kaya nakakangisda roon ang mga Filipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?