213

Oct 3, 2017 @ 17:35

China Bank robbery, ‘inside job’

Sinisilip ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang anggulong ‘inside job’ sa naganap na China Bank robbery sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Sinabi ni QCPD Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, hiniling na nila sa pamunuan ng China Bank Fairview branch ang kooperasyon sa isinasagawa nilang imbestigasyon.

“We are considering all angles, including the possibility that this was an inside job,” anang opisyal.

Batay sa imbestigasyon, lumitaw na hindi inaksiyunan ng security agency ang impormasyon na ipinarating sa kanila ng management ng China Bank na sira at may problema ang alarm system at Closed-Circuit Television camera (CCTV).

Sinasabing Sabado pa inireport ng management ang problema sa alarm system at CCTV at ang pangloloob ng grupo ng ‘Termite Gang’ na dumaan sa manhole sa tapat ng bangko at humukay patungo sa loob ng nasabing bangko.

Unang natuklasan ni Marlou Espejo, operations head ng China bank ang insidente dahil pagpasok nito sa bangko ay nakita niya na maputik ang sahig at isang manhole na may lapad na 2 talampakan ang nakita niya sa loob na sinasabing pinagdaanan ng mga kawatan.

Tinunton ng mga awtoridad ang manhole at nakita ang lagusan nito na malapit sa ginagawang MRT sa Commonwealth Avenue at nakuha ang ilang gamit tulad ng crow bars, flashlight, helmet, tsinelas at iba pang kagamitan sa pagbubungkal ng lupa.

Nakapasok ang mga suspek sa China Bank sa pamamagitan nang paghukay sa underground sa may drainage system.
Nang makapasok ang grupo sa banko ay puwersahang binuksan ang vault at tinangay ang hindi pa batid na halaga ng salapi. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?