40

Jun 21, 2020 @ 11:13
By

Child labor sa ‘Pinas lalala dahil sa COVID

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang National Council Against Child Labor o NCLC na paigtingin ang pagsugpo nito sa child labor dahil inaasang tataas ang insidente nito dulot ng COVID-19 pandemic.

Sinabi niya ito matapos magbabala ang United Nation’s Children’s Fund o UNICEF at ang International Labour Organization o ILO na baka muling umakyat ang bilang ng mga kabataang biktima ng child labor.

Ayon sa 2 ahensiya, bumaba sa 94 milyon ang bilang ng mga kabataang dumaranas ng child labor nitong nakaraang dalawang dekada ngunit nanganganib na muling umakyat ang bilang na ito habang may krisis.

Sabi ng senador, dapat tiyakin ng NCLC ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Inamyendahan ang batas na ito ng Republic Act No. 9231 upang lalong mapigilan ang mga tinuturing na “worst forms of child labor” at paigtingin ang proteksyon ng mga kabataan.

Isang suliranin na aniya sa bansa ang child labor bago pa nagkaroon ng COVID-19.

Sa 2018 Findings on the Worst Forms of Child Labor ng United States Department of Labor, mahigit 3 milyong kabataan ang dumaranas ng child labor at karamihan sa mga ito ang nagtatrabaho sa gitna ng mga mapanganib na kalagayan.

Sa naturang ulat, ilan sa mga mapanganib na gawaing kinasasangkutan ng mga kabataan ay sa mga sektor ng agrikultura at pagmimina. Nasasangkot din ang ibang kabataan sa mga armadong tunggalian at sa commercial sexual exploitation.

Nagbabala din si Gatchalian na dahil mahigit pitong (7.3) milyong mga Pilipino ang nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya sa COVID-19, maraming kabataan ang nanganganib na huminto sa pag-aaral at mapilitang maghanapbuhay.

Inihalimbawa niya ang mga bansang Brazil, Guatemala, India, Mexico, at Tanzania, kung saan maraming mga kabataan ang napilitang maghanapbuhay sa panahon ng krisis sa ekonomiya.

“Ang ating mga kabataan ay dapat nag-aaral at hindi napipilitang maghanapbuhay upang malagpasan ang krisis na dulot ng COVID-19,” ani Gatchalian na siyang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Kung hindi natin mapipigilan ang pagdami ng mga kabataang napipilitang maghanapbuhay, mas nanganganib silang makaranas ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?