41

Oct 4, 2021 @ 13:25
By

Chevron-Udena ng DOE iligal – Gatchalian

Binatikos ni Senador Win Gatchalian ang mga opisyal ng Department of Energy (DOE) sa pagsang-ayon sa pagbebenta ng 45% stake ng Chevron Malampaya sa Malampaya gas field sa kompanya ng negosyanteng si Dennis Uy na Udenna Malampaya LLC kahit na “insufficient foundation” ang ligal na batayan ng desisyon ng DOE.

Ito’y matapos tanungin ni Gatchalian ang mga opisyal kung mapapanindigan ba nila ang kinalabasan ng kanilang pagsusuri sa pinansyal at teknikal na kapasidad ng kompanya ni Uy.

“Nakakapanlumong malaman ang pag-amin nyo na hindi sapat ang pundasyon ng inyong legal na batayan ngunit itinuloy nyo pa rin ang pagrerekomenda dito at kinalaunan ay inaprubahan ng DOE secretary ang transaksyon,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate energy committee.

“Isipin niyo na lang ang sinasabi ninyong walang sapat na pundasyon ang kompanyang inaprubahan ninyong bumili ng negosyong may halagang 500 milyong dolyar na nagsusuplay sa 3.7 milyong sambahayan o 27% ng kabuuang pangangailangan ng Luzon,” sambit nito.

“Ang isang napakahalagang asset ng gobyerno ay napasakamay ng isang kumpanyang batay sa mismong findings ninyo ay hindi kwalipikado,” dagdag pa ng senador.

Ang pahayag na “insufficient foundation of legal basis” na mismong galing kay Director Cesar de la Fuente ng Energy Resource Development Bureau ng DOE ay ikinadismaya ni Gatchalian dahil hindi man lamang daw ito nilagay sa alinmang dokumentong isinumite sa komite bago ang pinakahuling pagdinig.

Lalo pang nadismaya ang senador sa aniya’y nakakalito at tila paglilihis sa tunay na sitwasyon ng Udenna Malampaya nang iprinisinta ng DOE ang kanilang ulat sa komite.

“Sa pagsusuri nyo, pagdating sa usapin ng technical at legal aspects, UC Malampaya ang kinonsidera ninyo pero pagdating sa financial aspect, iniba niyo na ang pangalan, naging UC 38 na kasi hindi pumasa si UC Malampaya sa financial evaluation,” sabi ni Gatchalian.

UC 38 ang ipinalit sa pangalan ng Chevron Malampaya.

“Sa totoo lang, ang dating sa akin ng lahat ng ito ay pinilit ninyong gawing lehitimo ang isang iligal na transaksyon. Lumalabas kasi na hindi kwalipikado ang Udenna Malampaya pero pinilit ninyong maging kwalipikado at legal ang transaksyon. Malinaw na may paglabag ang transaksyon. Pero sa kabila nito, bakit pinayagan nyo pa ring magpatuloy ang transaksyong ito?” tanong ni senador sa DOE.

Naging pinal ang nasabing bentahan noong Marso ng nakaraang taon. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?