92
Che’lu iginiya ni Manganti
Mar 12, 2019 @ 19:00
By ,

Che’lu iginiya ni Manganti

Inilampaso ng Che’lu Bar and Grill Revellers ang Batangas EAC Generals 89-63 para muling makabalik sa win-column ng 2019 PBA D-League Martes sa Paco Arena sa Maynila.

Ariba agad patungong tuktok ang Revellers para baguhin ang huling kabiguan nito kontra Saint Clare Virtual Reality noong nakaraang linggo.

“Sabi ko naman sa kanila, hindi porke’t talented kayo, experienced kayo, guaranteed na mananalo tayo. We have to work every game kahit na sino pang team na ‘yan,” sabi ni Che’lu coach Stevenson Tiu.

Balik sa dating porma ang Revellers sa muling pag-alburoto ng opensa ni Sean Manganti nang tumapos ito ng 20 puntos at apat na rebounds habang pasikat naman si James Collado sa kanyang double-double finish, 19 puntos at 12 rebounds.

Tuloy-tuloy ang pag-alagwa ng tropa lalo na sa third kung saan umabot sa 32 ang komportableng bentahe nito, 62-30 sa 5:32 ng third bago tapusin nito ang quarter bitbit ang 71-42 na kalamangan.

Mas lalo pang nanakmal ang Revellers nang tuluyan na nitong kontrolin ang laro sa fourth pero lumaban pa rin ang Generals at sinubukan pa ring makahabol pero hindi sapat ang pagpapabibo ni Kyle Carlos sa laro.

Inamin din ni Tiu na nakausap niya ng personal si Manganti matapos ang laro nila kontra Saint Clare at sa tingin niya naging maganda naman ang tugon ng bata rito.

“Definitely and he constantly tine-text na ako, na-appreciate niya, nag-open up. Medyo tight kasi first few practices after first game medyo tight pa rin siya. At least ngayon nakakapagusap kami at nakikita naman natin na talagang buhusan na siyang maglaro,” dagdag nito.

Angat na ang tropa ni Tiu sa Aspirant’s Group tangan ang 2-1 na kartada habang dulas naman sa 1-2 ang Batangas EAC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?