33

Nov 18, 2021 @ 15:58
By

CHED: Mga kolehiyo sa NCR handa na sa face to face class

Maaaring simulan na ng mga pamantasan at kolehiyo sa Metro Manila ang expanded limited face to face class para sa iba’t ibang kurso.

Ito ang inihayag ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera makaraang maibaba na sa Alert Level 2 ang National Capital Region at nakahanda na rin ang iba’t ibang eskuwelahan.

Mataas na aniya ang bilang ng mga nabakunahan kaya maaari nang magsimula ang face to face class.

“Handa na ang mga eskuwelahan. Ngayong mataas na ang vaccination at marami nang mga bakunado estudyante at faculty, palagay namin panahon na para buksan na sa lahat ng degree program. Ito ay expanded limited face to face na sinimulan natin noong January,” ani De Vera.

Sa sandali aniyang mabigyan na ng authorization ang mga kolehiyo at unibersidad ay maaari nang makapagsimula ang mga ito ng expanded limited face to face class.

“Kelan? Depende kung kelan mag-aaply yung mga school, kelan sila mai-inspect at kung kelan sila ma-authorize. Pag na-authorized na sila, kinaumagahan puwede na sila mag-face to face. Depende kung gaano sila kabilis mag-apply,” dagdag ni De Vera.

Sinabi ng opisyal na maraming mga eskuwelahan ang may gusto ng kumbinasyon ng face to face at online para hindi pa rin magsabay-sabay ang pasok ng mga estudyante.

Para masigurong sinusunod ang minimum health standards, sinabi ni De Vera na magsusumite linggo-linggo ng report ang mga paaralan sa CHED regional office sa kanilang face to face classes.

“Kaya limited siya, hindi full face to face tulad ng dati na sa classroom lahat ang pag-aaral. Ngayon kumbinasyon na ng nasa classroom, nasa online at offline. Yan yung lumalabas na direksiyon ngayon ng mga pag-aaral sa mga pamantasan sa Pilipinas,” wika ni De Vera.

Kung sakaling aakyat ang alert level sa NCR o ibang lugar na mayroong face to face class, sinabi ni De Vera na ititigil ang pagpasok ng mga estudyante sa kolehiyo o unibersidad at babalik na kang muli kapag bumaba na ang alert level.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?