33

Jan 13, 2022 @ 18:05
By

CHED chairman tinamaan ng COVID, buong pamilya nahawa

Hindi nakaligtas si Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera sa bagsik ng COVID-19 matapos itong magpositibo.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni De Vera na kasalukuyan itong naka-quarantine at nadamay din ang kanyang buong pamilya na naimpeksiyon ng virus.

Pero wala aniyang dapat ipag-alala ang mga kaibigan nito at mga kakilala dahil umaayos na ang kondisyon ng kanyang kalusugan.

“Ako ay naka-quarantine sa bahay. Ang aking buong pamilya ay infected pero dahil sa mga tumutulong sa aking mga doktor kasama ang pag-telemed, ako ay unti-unting gumagaling na,” ani de Vera.

Hindi naman masabi ng kalihim kung saan niya nakuha ang COVID dahil marami siyang naging aktibidad noong nakalipas na linggo.

Naging abala aniya sa pakikipag-usap sa mga opisyal ng mahigit 200 pamantasan para sa gagawing limited face to face classes.

Bukod kay De Vera ay ilan pang mga gabinete ng ehekutibo ang nasa quarantine matapos mahawa o kaya ay ma-expose sa COVID positive.

Kabilang dito sina Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, Defense Secretary Delfin Lorenzana, vaccine czar Carlito Galvez at Department of Transportation Secretary Arthur Tugade.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?