127

Dec 8, 2017 @ 19:08
By

Checkpoints ngayong holiday season, paiigtingin ng MPD

Ngayong ramdam na ang holiday season, maglulunsad ang Manila Police District (MPD) ng “Sacleo” o simultaneous anti-criminality and law enforcement operation para masawata ang kriminalidad na inaasahang tumataas kapag papalapit na ang Kapaskuhan.

Kaugnay nito, sinabi ni MPD spokesperson P/Supt. Erwin Margarejo, na sisimulan na ng mga presinto ng pulisya sa lungsod ang pagsasagawa ng checkpoint o “Oplan Sita” sa mga istratehikong lugar sa Maynila na ang pangunahing target ay ang mga hindi rehistradong motorsiklo na karaniwang ginagamit sa mga krimen.

Sinabi pa ni Margarejo na nakatakda nilang ikasa ang “Sacleo” ngayong Biyernes, mula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-sais ng gabi na gagawing lingguhan hanggang sa matapos ang holiday season.

Ilulunsad ang “Sacleo” kasabay ng inaasahang pagtaas ng krimen ngayong Kapaskuhan partikular na ang pandurukot at pagnanakaw.

Aniya, kukumpiskahin o hahatakin ng mga pulis ang mga motor sakaling mabigo ang mga motorcycle rider na makapagpakita ng rehistro ng sasakyan. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?