chavez
By

Chavez, 2 pa uupak sa Tokyo

Sharing is caring!

Handa nang makipagbasagan ng mukha ang tatlong Pinoy sa Dangan 212 na gaganapin sa Korakuen Hall, Tokyo, Japan sa Mayo 15.

Hahamunin ng tubong Cebu na si Jheritz Chavez (8-2-2, 6 KOs) ang tikas ni defending champion Rikki Naito (19-2, 7 KOs) para sa OPBF super lightweight belt sa main event.

Ito ang unang title defense ni Naito simula nang makuha ang bakanteng korona nang pabagsakin ang isa pang Pinoy na si Jeffrey Arienza sa bisa ng TKO nitong nagdaang Enero.

Liyamado ang Japan champ na galing sa panalo sa huling limang laban ngunit hindi papalampasin ni Chavez ang pagkakataong muling maihilera ang pangalan sa mga Asian title-holder.

Sa undercard, susubukan ng 24-anyos na si Junny Salogaol (13-13-4) na makapatid ng panalo kontra knockout artist Ryosuke Takami (11-2, 10 KOs).

Muli namang babalik sa lona pagkalipas ng isang dekada ang Filipino trainer Rey Orais (19-17-2, 5 KOs) para sagupain si Japanese Ken Achiwa (11-13-5, 4 KOs) na dumanas ng dalawang talo sa huli nitong laban.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?