515

By

Chan, decoy ng Ginebra para malibre si Brownlee

Sharing is caring!

Para kay Tim Cone, isa si Jeff Chan sa pinakamautak niyang player.

Isa sa dahilan kaya kinuha ng Ginebra si Chan mula Phoenix ang smart plays nito, kasama na ang matalas na pulso sa labas.

Kalagitnaan na ng June dumating sa Gin Kings si Chan, makalipas ang kulang isang buwan ay naging tatlo na ang kanyang championship rings.

Malaking bagay si Chan sa 4-2 win ng Ginebra laban sa defending champion San Miguel Beer sa PBA Commissioner’s Cup Finals.

Dahil threat si Chan sa 3-point range, nakakawala si Justin Brownlee kundi man nalilibre. Nakakadiskarte ang import dahil nawawala na ang double-team sa kanya kapag nasa perimeter ang 10-year veteran na si Chan.

“San Miguel always played what we call a sagging defense on us,” paliwanag ni Cone. “They always sag off a couple of players so that they can help out on Justin or take away any kind of penetration we have to the rim.”

Lumabas ang pinupunto ni Cone sa second quarter ng 93-77 series clinching win noong Miyerkoles sa MOA Arena.

Dalawang beses tumulong si Arwind Santos sa depensa kay Brownlee sa ilalim, dalawang beses ding nalibre si Chan at nagsalpak ng pares ng 3-pointers para panatiliin sa laro ang Gins na naiiwan lang 38-35 sa break.

“Jeff, first of all, is like Joe Devance, very, very smart. Really smart player,” dagdag ni Cone sa kanyang 35-anyos na guard.

Nang maalala ng Beermen na nasa loob si Chan, dinikitan na naman ang 6-foot-2 sharpshooter at nawala ang help-defense kay Brownlee o kay Greg Slaughter.

“That, over a course of 48 minutes, really means a lot especially when you have a guy like Justin where people gonna wanna try to help and collapse when he can get one-on-one with players, that makes a big difference,” dagdag ni Cone.

Inamin ni Chan na iba ang pakiramdam kapag naglalaro sa Ginebra. Kailangan niyang ipasok ang mga unang tira para makuha ang kumpiyansa.

May dalawang titulo si Chan sa Rain or Shine (2012 Governors at 2016 Commissioner’s Cups) sa ilalim ni Yeng Guiao bago pinamigay sa Phoenix noong 2017. Ngayon, balik siya sa tuktok.

“Parang ilang conference din na early exit ako,” anang 6-foot-2 guard na produkto ng FEU at 17th pick overall ng Red Bull noong 2008. “Ngayon lang ulit ako nakaabot ng finals, tapos nag-champion pa.”

May kontribusyong 10 points mula sa 2 of 3 shooting sa labas ng arc si Chan sa Game 6. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?