65

Jul 18, 2021 @ 13:29
By

Championship abot kamay na! Holiday, Bucks ninakaw Game 5 vs Suns

Isang panalo na lang ang kailangan ng Milwaukee Bucks para matapos ang 50 taong pananabik sa NBA championship.

Sa Game 5, sinuwag ng Bucks ang Phoenix Suns, 123-119, para makaabante sa NBA Finals series, 3-2.

Lumamang pa ng 16 point ang Phoenix sa first quarter, ngunit nagpakawala ng 23-5 run ang Milwaukee sa second canto para itabla ang iskor.

Papasok ng halftime ay nakontrol na ng Bucks ang momentum at kinuha ang kalamangan, 64-61, sa pagbibida ni Jrue Holiday na may 18 points kaagad papasok ng second half.

Tangan ng Bucks ang double-digit lead sa fourth quarter, ngunit nagsimulang mag-init mag-init si Devin Booker para makalapit sa dulo at sinundan pa ng jumper ni Chris Paul, 120-119.

Lamang lang ng isa ang Bucks, tangan ni Booker ang possession nang biglang manakaw ni Holiday ang bola at magbato ng alley-pass para kay Giannis Antetokounmpo, na tumapos ng dakdak at may kasama pang foul.

‘Yun na ang pangdiin ng Bucks dahil hindi na nakapuntos ang Suns sa kanilang huling possession.

Tumapos si Giannis na may 32 points, nine rebounds at six assists, habang may 29 markers naman si Khris Middleton.

Si Holiday naman ang naging X factor para sa Milwaukee, kumana ng 27 points at 13 assists.

Nawalan ng saysay ang 40 points ni Booker, pati na rin ang 21 points at 11 dimes ni Paul.

Sa Miyerkoles ay susubukan ng Bucks na tuluyang makuha ang tropeo sa sariling balwarte sa Game 6.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?