26

By

Cha-cha nakalutang pa sa Senado

Wala pang garantiya na maaatupag ng Senado ang panukalang pag-amiyenda sa Konstitusyon o Charter change (Cha-cha).

Ayon kay Senate President Tito Sotto, hindi pa niya masasabi kung magiging prayoridad ang Cha-cha dahil hindi pa nila napag-uusapan ang legislative calendar o schedule ng Senado.

“Sa ngayon, wala akong masasabi na ito’y magiging priority. Sapagkat una, ni hindi pa kami agreed on our calendar of the Third Regular Session of the 17th Congress,” sabi ni Sotto sa panayam matapos nitong dumalo sa unang pulong ng bicameral conference committee ukol sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sinabi ito sa kabila ng pahayag ng Malacañang na inaasahan nitong bibigyan ng Kongreso ng panahon at bigat ang panukalang Cha-cha batay sa draft federal constitution buhat sa Consultative Committee (Con-Com).

Inulit naman ni Sotto na hindi sila obligadong tanggapin nang buong-buo ang draft federal constitution at dadaan pa ito sa mahigpit na pag-aaral ng Kongreso.

Magdedesisyon pa rin sila sa Kongreso kung paaamiyendahan ang Konstitusyon at kung paano ito gagawin.

Sakaling pumayag ang mayorya sa Cha-cha, sinabi ni Sotto na mas praktikal na idaan ito sa Constituent Assembly (Con-Ass) kung saan ang Senado at Kamara ang kikilos.

Sa bukod na panayam, sinabi rin ni Senador Koko Pimentel, presidente ng PDP Laban na praktikal para sa Cha-cha ang Con-Ass.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?