14
harry-roque1
By

Cha-cha, federalism may pag-asa pa – Roque

Sharing is caring!

Hindi susuko ang gobyerno sa isinusulong na Charter change (Cha-cha) at federalismo sa kabila ng negatibong pagtanggap ng mayorya ng mga Filipino sa pagnanais na maamyendahan ang Konstitusyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kailangan lamang aniya ang pinaigting na information campaign para maunawaan ng mga Filipino ang tunay na layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsusulong nito.

Naniniwala si Roque na ang nakasira sa Cha-cha ay ang mungkahing pahabain ang termino ng nakaupong Presidente na taliwas sa gusto ni Pangulong Duterte.

Katunayan aniya ay mismong ang Pangulo ang may gustong paiksiin ang pananatili sa puwesto dahil pagod na ito.

“Kasi naguguluhan po kasi, iyong mga iba kasing mga Charter change ay nagkaroon ng proposal para mapahaba iyong termino ng nakaupong Presidente. Kumbaga, nagkaroon ng negative PR itong Charter change kasi nga ang suspetsa ng taumbayan ay pagpapalawak ng termino na hindi naman ganyan ang ninanais ni Presidente kung hindi tunay na pagbabago.

“Ito lang naman ang Presidente na nagsasabing, ‘Gusto ko nga bumaba matapos ang Charter change. Hindi ko gagamitin ang Charter change para palawigin ang aking termino.’ So ito talaga ang dapat iparating na mensahe,” ani Roque.

Matatandaang inihayag ni Pangulong Duterte na kapag nailarga na ang federalismo ay maaari na itong bumaba sa puwesto kahit pa hanggang 2022 ang kanyang termino.

Sinabi ni Roque na mag-iikot ang mga opisyal ng gobyerno sa buong bansa para maglunsad ng seminar sa federalismo at isulong ang diskurso at debate para maintindihan ng sambayanan ang importansiya ng Cha-cha at federalismo.

“So kailangan pong paigtingin pa iyan at talagang magkaroon ng diskurso, debate, nang sa gayon makita ng kababayan natin ang importansya ng ganitong Charter change patungong pederalismo,” dagdag pa ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?