137

Oct 29, 2018 @ 17:20
By

Cervantes, Manila inungusan ang Zamboanga sa sariling balwarte

Inalpasan ng Manila Stars ang Zamboanga Valientes habang ang Cebu Sharks naman ay napatumba ang Marikina Shoemasters sa Datu Cup ng Maharlika Pilipinas Basketball (MPBL) Datu Cup, Sabado ng gabi sa Mayor Vitaliano Agan Coliseum sa Zamboanga.

Sa harap ng kanilang libo-libong tagahanga, naging maganda ang ipinakita ng Valientes pero kinulang pa rin kontra Stars, 60-59, sa main game.

Sumandal ang Manila kay Reil Cervantes na may 21 puntos kabilang na ang huling tres na tuluyang nagpadapa sa Valientes at ngayong bitbit na nito ang 10 panalo sa 12 laro sa Northern Division.

Tangan ng Stars ang 15 puntos na kalamangan sa mga unang minuto pero nakabalik ang Valientes sa tulong ng solid plays nina Reed Juntilla at Jonathan Parreno.

Sa magandang depensang pinakita ng Manila ay napigilan nila si Jomari Lacastesantos na maipasok ang huling tira nito.

Naging iba naman ang kapalaran ng Cebu Sharks sa unang laro dahil napadapa nito ang Marikina Shoemasters, 78-74, para iposte ang ikaapat na panalo sa 12 laro.

Nanguna para sa Sharks si Patrick Cabahug na pumoste ng 17 puntos, anim na rebounds at tatlong assists at ang huling tres nito sa huling 56 segundo ng laro ang nagpaangat sa Sharks, 76-74.

Bigo naman sa huling offensive play ang Shoemasters kaya’t napako na ito sa 74 at naitala na nito ang ikalima nitong sunod na pagkatalo at tuluyan itong lumagapak sa 4-8 kartada sa Southern Division.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?