11

By

Central Luzon, Pangasinan, maaring bahain dahil sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam

Sharing is caring!

Pinag-iingat ang mga residenteng nakatira malapit sa mga dam dahil posibleng makaranas ang mga ito ng pagbaha at flashfloods.

Sinabi ni Richard Orendain ng PAGASA sa ginanap na press briefing sa National Risk Reduction and Management Council headquarters sa Kampo Aguinaldo, binuksan ang ilang gates ng Ambuklao Dam, Binga Dam, San Roque Dam, Magat Dam at Ipo Dam kaya dapat maghanda na ang publiko.

Sinabi ni Orendain na kailangang maglabas ng tubig ang mga nabanggit na dam dahil sa patuloy na pag-ulan at para maiwasang mapuno ng tubig-ulan ang mga ito.

Kabilang sa mga posibleng bahain ay ang mga bayan ng Urdaneta City, San Fabian at Dagupan sa Pangasinan.

Kasama rin sa mga lugar na posibleng makakaranas ng pagbaha matapos maglabas ng tubig ang Ipo Dam ay ang isang barangay ng Norzagaray.

Kung sakaling magpalabas ang Angat dam ng tubig ay maaapektuhan ang bayan ng Angat, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Paombong at Hagonoy.

Sinabi ni Orendain na na naka-red alert status ngayon ang La Mesa dam dahil malapit na sa overflow elevation ang tubig dala ng tubig-ulan na 80.15 meters.

Naitala ang 79.71 meters na lamang tubig ng La Mesa Dam at katiting na lamang para maabot ang pag-apaw nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?