59

Oct 19, 2020 @ 16:08
By

Celine Pialago bobo, walang puso – Enchong

Nanggigil si aktor Enchong Dee kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago, matapos banatan ng huli ang mga sumisimpatya kay political detainee Reina Mae Nasino.

“‘Yung mga sumisimpatya kay Reina Mae Nasino, pag-aralan niyo mabuti ang dahilan bakit siya nakulong at kilalanin niyong mabuti kung sino siya sa lipunan. Masyado ninyong ginagawang pang-dramaserye sa hapon ang paghihinagpis niya. Tigilan niyo!,” ang sambit ni Pialago noong Linggo.

Sa Twitter, naglakip si Enchong ng screenshot ng pahayag ng MMDA official at binulalas:

“This person is Heartless and Unintelligent. Ilagay mo ang sarili mo sa kalagayan ng isang ina at mangyari ‘to sa’yo.”

“Bilang isang tao… ok lang talaga sa’yo??,” usisa pa ng aktor kay Pialago.

Pinanganak ni Nasino si River noong Hulyo 1 sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila. Bagaman umapela ay hindi pinayagan ng korte si Nasino na makasama at mapasuso ang kanyang anak matapos itong mailuwal.

Hindi rin naabutan nang buhay ng political prisoner ang kanyang River at pinayagan lang ng korte na makalabas matapos nang mamatay ng sanggol dahil sa pulmonya, Oktubre 9.

Noong una’y tatlong araw ang pinahintulutang pagdalaw ni Reina kay River pero binawasan ng Manila Regional Trial Court Branch 47 sa dalawa, dahil ayon sa Manila City Jail ay kulang umano sila sa tao para bantayan si Nasino.

Sa araw ng libing ni River sa Manila North Cemetery, Oktubre 16, maraming netizen ang nagalit matapos makita si Nasino na todong napalilibutan ng mga jail escort at nakaposas hanggang sa huling sandali nito kapiling ang anak.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?