424

By

Celebrities sa ‘sex party’, tinututukan ng PDEA

Sharing is caring!

Minamanmanan ngayon ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga kilalang artista na nasa phonebook ng nahuling aktor na tulak ng ‘ecstasy’, dahil malaki umano ang posibilidad na kliyente ang mga ito sa isinasagawang ‘sex party’ sa mga kilalang hotel sa Metro Manila.

Ayon kay PDEA Director General Aaron N. Aquino, nakumpiska sa aktor na nakilalang si Malik Coronel ang cellphone nito at doon ay nakita nila na karamihan ay mga artista ang nasa phonebook nito na posibleng kabilang sa mga binebentahan ng ecstasy, subalit tumanggi itong banggitin ang mga pangalan ng celebrities.

“Under surveillance sila (celebrities) at kapag nahuli naman sila na kabilang sa mga isinasagawang sex party sa mga hotel ay hindi kami mangingiming arestuhin sila, ” pahayag ni Gen. Aquino.

Si Coronel umano ay dating aktor subalit ng mawalan ng pelikula ay nag-alok na lamang ng ecstasy sa mga kilalang artista.

Kasamang nadakip ni Coronel, na pawang nakasuot na lamang ng brief sina Edmund Remegio, modelo; Manuel Valdes, 34; insurance agent; Jake Tolentino, 33; insurance claims processor; Jose Carlo Torres, 38, engineer; Mario Aclan, 27, make-up artist; Angelo Padasas, 28, officer staff; Jevel Ucero, 22, estudyante; Carlo Kasala, 25, physician; Legui Brylle Gonzales, 28, account manager; at Bryan Dizon, 20, software developer.

Sila ay naaresto sa kalagitnaan ng isinasagawang sex party ng mga operatiba ng PDEA Special Enforcement Service (PDEA-SES), na pinamumunuan ni Director Levi Ortiz, sa loob ng Room 609 ng Seda Hotel, Bonifacio Global City (BGC), Taguig City.

Nakumpiska sa operasyon ang likidong ecstasy, shabu, at gamma hydroxybutyrate (GHB), isang delikadong droga na sa dalawang patak lang sa inumin ay makakaramdam na ng libido ang bawat indibidwal na makainom nito at maghahanap na ng ka-sex, lalaki man o babae at sabay-sabay na magtatalik.

Ang GHB ay mas kilala bilang ‘club drug’ o ‘date rape’ drug na kalimitang ginagamit ng mga kabataan sa mga bar, rave parties, at clubs at kadalasang hinahalo sa mga nakakalasing na inumin. Euphoria, increased sex in drive at tranquility ang mga epekto ng pagkonsumo sa GHB.

“They use the dropper and put at least 2 drops of more sa inumin and then ma-high na yung gumagamit. For the syringe, maybe i-siphon nila yung liquid ecstasy and they will inject it to the vein para mas matindi yung tama,” paliwanag naman ni Director Ortiz.

Nakakapasok umano ang mga nasabing iligal na droga sa airport sa bansa galing China dahil wala umano itong amoy at parang tubig lamang ang anyo nito.

Ang mga nadakip ay kinasuhan ng paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) in relation to Section 26 (Conspiracy to Sell), Section 5 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Section 15 (Use of Dangerous Drugs). (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?