101

Dec 15, 2019 @ 18:24
By

CCTV 24 oras bantayan: Duwag na mga kapitan, tanod magbitiw!

Inutusan ni Department of Interior and Local Government (DILG) for Barangay Affairs Undersecretary Martin Diño ang lahat ng mga kapitan na i-monitor ang kanilang mga nakakabit na CCTV footage sa kanilang mga barangay sa buong bansa.

Galit na sinabi ni Diño na tila hindi naman nagagamit ang mga biniling CCTV sa mga barangay upang mabantayan ang mga kaganapan sa kanilang nasasakupan.

Gumawa na rin ng draft ng memorandum circular ang DILG upang matiyak na susundin ng mga opisyal ng barangay ang nasabing kautusan.

“’Yung mga binili n’yo (mga barangay captain) at inilagay na CCTV, wala naman kayo nagawa para magamit as crime prevention, hindi for recording lang. Dapat may magawa kayo para ma-prevent ang mga nangyayaring krimen at makilala agad ang mga suspek,” ayon kay Diño sa isang panayam.

Binigyang-diin ng kalihim na kung may nakabantay sa CCTV at may nangyaring krimen gaya ng mga kidnapping, ay kailangang maharang at agad na respondehan ng mga barangay tanod.

“Kung may nakabantay sa CCTV nung may kinidnap, ano ba naman may nakabantay na tanod? Harangin n’yo na. Natatakot sila. Kung hindi nila kaya, mag-resign sila, ibigay nila sa first kagawad,” giit ni Diño.

Ang kautusan ng opisyal ng DILG ay dahil na rin sa mga nangyaring pagdukot sa mga Chinese national sa Cavite at Makati City na hindi dapat aniya ipagwalang-bahala ng gobyernong Duterte.

“It’s high time [na] tignan ng gobyerno natin [ang mga kidnapping case]. Hindi sila (Chinese) nakakatulong, perwisyo sila sa bansa natin. Anong ginagawa nila sa bansa natin? ‘Pag ‘di sila nasiyahan sa empleyado nila, bubugbugin nila, kikidnapin nila. Hindi pwede. Huwag naman sana din na ang ating pulis [ay] in cohorts dito sa krimen,” dagdag pa ng opisyal ng DILG.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?