78

Mar 4, 2020 @ 11:50
By

CBCP umalma sa Kaliwa Dam

Nakiisa na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa panawagang itigil ang pagpapatayo ng gobyerno ng Kaliwa Dam.

Ngayong malapit na ang Kuwaresma 2020, naglabas ito ng pastoral letter na pinamagatang ‘I look up to the Mountains’ kung saan sinaad nilang sang-ayon sila sa tindig ng Diocese of Antipolo at Prelature ng Infanta laban sa naturang proyekto.

Hinimok din nila ang pamahalaang Duterte na humagilap na lang ng ibang solusyon sa kakulangan ng suplay ng tubig nang hindi masisira ang kultura at kinabukasan ng mga tribong Dumagat-Remontados sa Sierra Madre.

“We, therefore, call on the concerned government agencies and other proponents of the Kaliwa Dam project to stop the implementation unless proper review is done to correct its flawed procedures,” sabi ng CBCP sa pastoral letter, sa ulat ng Radio Veritas 846.

“For the sake of the common good, we strongly recommend that ecologically sustainable alternatives be carefully considered, as proposed by experts in responding to the challenges of the water crisis in Metro Manila, without destroying the precious culture and sustainable future of our Dumagat-Remontados tribes,” wika pa ng grupo.

Matatandaang giniit ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ang madudulot na panganib ng itatayong dam sa mga naturang katutubo.

Hulyo 2018 naman nang ilabas ni Infanta Bishop Bernardino C. Cortez ang pastoral letter na pinamagatang “No to Kaliwa Dam, Yes to Alternative Sources of Water.”

Higit 300 ektarya ng kagubatan sa Sierra Madre ang posibleng lumubog sa tubig, na makaaapekto sa 126 hayop sa kabundukan.

Dineklara rin, sa National Integrated Protected Area System (NIPAS) Act of 1992 at NIPAS of 2018, ang mga lugar na tatamaan ng dam bilang “protected biodiversity.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?