27

Nov 8, 2020 @ 18:38
By

CBCP siniguro: Simbang Gabi tuloy sa Disyembre

Ilang tradisyong Pinoy na ang napurnada dahil sa COVID-19 pandemic.

Ngunit ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), isa sa hindi mapuputol ay ang debosyon ng mga Pinoy sa Simbang Gabi.

Sa panayam kay CBCP Public Affairs Committee Executive Secretary Fr. Jerome Secillano sa CNN Philippines, sinabi nito na magpapatuloy ang Simbang Gabi pagsapit ng Disyembre 16.

Ngunit hindi ito magiging madali dahil may mga health protocol na kailangang sundin para masigurong ligtas ang mga Katoliko sa sakit.

“Matutuloy pa rin naman ‘yung Simbang Gabi, may adjustments lang sa oras, at saka siyempre, sa paga-accommodate ng mga mass-goers,” saad ni Secillano.

Para sa mga opisyal ng Simbahan, kailangan nilang pumasok sa tinakdang oras at iiwasan ang pagiging late dahil inaasahan ang mas maraming misa.

Ito’y dahil 30 percent lamang ang operating capacity sa mga religious gathering para sa mga simbahan sa general community quarantine area.

Para naman sa mga hindi makaalis sa kanilang tahanan ay magkakaroon ng livestream sa social media para sa Simbang Gabi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?