Luis-Antonio-Cardinal-Tagle
By

CBCP naglabas ng panalangin para sa barangay, SK elections

Sharing is caring!

Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lahat ng kura-paroko, Rector ng mga Shrine, mga Chaplain at mga superiors ng religious communities sa Archdiocese ng Manila na dasalin ang “Panalangin para sa Barangay election” na ipinalabas ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Ito ay batay sa inisyung circular na pirmado ni Father Reginald Malicdem, chancellor ng Archdiocese of Manila.

Sa nasabing circular, umapela rin si Tagle sa mga pari na bigkasin ang espesyal na panalangin pagkatapos ng Post Communion prayer sa lahat ng misa mula Mayo 6 hanggang Mayo 13, 2018, na bisperas ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Noong May 4 ay nagsimula na ang campaign period para sa BSKE at ito ay tatagal hanggang May 12.

Sa pamamagitan ng espesyal na panalangin ay ipinagdarasal sa Panginoon na magabayan ang mga botante sa kanilang pagpapasya kung sino ang karapat-dapat nilang iboto.

Narito ang kabuuang nilalaman ng panalangin na pinamagatang “Panalangin para sa Halalang Pang-Barangay” :

“Panginoong Diyos, dumudulog kami sa iyo habang papalapit ang Halalang Pang-Barangay. Kay Kristo, binigyan mo kami ng huwaran ng isang lingkod na handang ialay ang kanyang buhay para sa kanyang kawan. Pagkalooban mo kami ng dunong na makapaghalal ng mga babae at lalaking magtataguyod ng katotohanan, katarungan, at pagtataas ng dignidad ng mga tao.

“Hinihiling naming liwanagan mo ang aming mga isip at puso – upang makahanap kami ng mga Pastol na hinubog sa puso ng iyong Anak na mangangalaga sa aming mga Barangay.

“Ituro mo sa amin ang pamamaraan ng pagtingin ni Kristo sa mga tao – upang mabigyan namin ng tinig ang mga mahihirap, mahihina, inabanduna, at mga inaapi. At sa huli, pagkalooban mo kami ng biyaya ng pagwawari – upang matalino naming magamit ang biyaya ng paghahalal, bilang pamamaraan ng pagpapahayag ng aming pagnanais para sa kapayapaan, at ng aming pag-ibig para sa aming kapwa.

“Hinihiling namin ang lahat ng ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon, Amen.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?