183

Jun 18, 2018 @ 21:48
By

CBCP, ayaw na mag-armas ang mga pari

Tutol ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga suhestiyon na mag-armas na rin ang mga pari kasunod ng pag-atake sa mga alagad ng simbahan.

Sinabi ni Fr. Jerome Secillano, executive director ng CBCP Public Affairs Committee, maraming paraan para protektahan ang kanilang sarili at isa na rito ang paghingi nila ng saklolo sa pambansang pulisya.

Aniya, puwede naman silang maghingi sa Philippine National Police ng bantay para sila ay proteksiyonan.

Katuwiran pa ni Secillano, ang ipinapangaral nila ay laban sa karahasan at sila ay tutol sa karahasan kaya’t aniya hindi naman maaaring makipagbarilan sila sa mga masasamang-loob.

Ngunit paglilinaw nito, sa batas ng Simbahan, hindi partikular na ipinagbabawal sa mga alagad ng Simbahan ang pagdadala ng baril at iyan ay depende na lang sa Obispo.

Dagdag pa ni Secillano, hinihintay lang din ng Simbahan ang resulta ng mga pag-iimbestiga sa mga pagpatay sa tatlong pari at aniya nais din nilang malaman ang motibo, ang kasalanan ng biktima at kung sino ang pumatay at nagpapatay dito.

Tumanggi naman na siyang magkomento sa mga alegasyon na ang mga banat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Simbahan at pari ay may kinalaman sa mga pagpatay sa kanilang hanay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?