25

Nov 11, 2021 @ 15:09
By

Cayetano tinulak lingguhang debate ng mga kandidato

Naghain ng resolusyon ang grupo ni dating Speaker Alan Peter Cayetano upang hikayatin ang Commission on Elections (Comelec) na simulan na ang debate ng mga kandidato sa pagka-pangulo, bise presidente at senador bago matapos ang taon.

Sa House Resolution 2346, iginiit ng mga mambabatas ang pangangailangan na makilatis ng mga botante ang mga kandidato para makapamili ng tama. Magbibigay din umano ito ng pagkakataon sa lahat ng mga kandidato na maiparating sa mga botante ang kanilang mensahe.

“The debates will further serve as basis for accountability of elected officials, and allow for a safer way of information dissemination during this pandemic since television, radio broadcasting as well as internet will be maximized to provide as much relevant information to the voters as possible,” sabi sa resolusyon.

Sinabi sa resolusyon na kulang ang tatlong presidential debate at isang vice presidential debate na isinagawa para sa 2016 elections para makilala ang mga botante ang mga kandidato.

Ipinanukala sa resolusyon na magsagawa ng lingguhan at buwanang debate simula ngayong Nobyembre o Disyembre hanggang Abril 2022.

Bukod kay Cayetano, may-akda ng resolusyon sina Taguig City Rep. Maria Laarni Cayetano, Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, Batangas Rep. Raneo Abu, Laguna Rep. Dan Fernandez at Anakalusugan Rep. Michael Defensor.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?