75

Mar 2, 2020 @ 16:58
By

Cayetano nagpasaring kay Velasco: Lalaki akong kausap!

Binuweltahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na marunong siyang sumunod sa usapan dahil lalaki siyang kausap.

Kasunod na rin ito sa sinasabing nilulutong pagpapatalsik sa kanya na pinamumunuan ni Velasco.

Ngunit sa kabila nito, ayon kay Cayetano, patuloy pa rin niyang panghahawakan ang kanilang naging kasunduan na ‘term sharing’ sa speakership na mismong inisyatibo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Yes, walang duda dun. Walang duda dun,” tugon pa ni Cayetano nang tanunging ukol sa kanilang naging kasunduan ni Velasco.

Matatandaang mismong ang Pangulo ang nagpanukala sa ‘term sharing’ agreement kung saan si Cayetano ang unang uupo bilang Speaker sa unang 15 buwan ng 18th Congress habang si Velasco ang tatapos sa natitirang termino.

Inaasahang magtatapos ang 15 buwan ni Cayetano sa darating na buwan ng Agosto.

Dahil na rin dito, dagdag ni Cayetano, na tatalima siya anuman umano ang nais ng Pangulo bilang lider ng political coalition pagdating sa liderato ng kapulungan.

“From the start, ang head ng ating political coalition ay ang ating Pangulo. Kung ano sabihin ng Pangulo pagdating sa leadership ng House, never ko naisip na hindi sumunod sa ating Pangulo,” dagdag ni Cayetano.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?