40

Nov 22, 2021 @ 15:30
By

Cayetano nagbabala sa pandemya ng sugal

Nagbabala si dating House Speaker at incumbent Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa paparating na pandemya ng e-sabong at iba pang online gambling.

Sinabi ni Cayetano na sa halip na pigilan ay mukhang hinihimok pa ng gobyerno na maging madali ang pagsusugal sa bansa.

“There is a new pandemic that the government is not trying to stop, bagkus [ay] baliktad. It seems the government is pushing this pandemic through PAGCOR and I hope Congress is not part of it,” sabi ni Cayetano.

Ipinaalala ni Cayetano ang 1939 case na People v. Punto, kung saan kinilala ang Korte Suprema ang pangangailangan na pigilan ang sugal dahil sa masamang epekto nito sa lipunan.

“When you make gaming and gambling available on the internet and you allow e-wallets, is the government now preventing an evil or ang gobyerno pa ba ang tumutulak?” tanong ng solon.

Isang 19-anyos na estudyante sa Maco, Davao de Oro ang inaresto noong Nobyembre 3, 2021 dahil sa P561,000 utang nito dala ng kanyang paglalaro ng e-sabong.

Ipinaliwanag ni Cayetano na mayroong mga lokal na pamahalaan na pinapayagan ang pagsasagawa ng sabong pero ibang usapan na umano ang e-sabong dahil mahirap itong i-regulate.

Kung bibigyan umano ng prangkisa ng Kongreso ang e-sabong hindi malayong sumunod na rin ang iba pang online sugal.

Kamakailan ay inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang House Bill 10204 na nagbibigay ng 25 taong prangkisa sa Visayas Cockers Club, Inc., upang makapag-operate ng off-site betting station saan man sa bansa.

Kung aaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa, ito na ang ikalawang kompanya ng e-sabong na bibigyan ng prangkisa ng Kamara sunod sa Lucky 8 Star Quest, Inc.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?