333

Dec 5, 2021 @ 15:37
By

Cayetano kinuwestiyon 25 taong prangkisa ng e-sabong

Nagtataka si incumbent Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano kung bakit gusto na ng Kamara de Representantes na bigyan ng 25 taong prangkisa ang mga e-sabong operator gayong hindi pa napag-aaralan kung magkano ang kinikita at kung ano ang epekto nito sa lipunan.

Sinabi ni Cayetano na nakakapag-operate ang e-sabong kahit na walang prangkisa mula sa Kongreso dahil binigyan naman ito ng lisensya ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Pitong e-sabong operator na ang binigyan ng PAGCOR ng lisensya na mag-operate sa bansa.

“Kumbaga y’ung emergency use ng e-sabong na ginawa ng PAGCOR eh binigyan ang operators ng license kasi emergency daw sila, wala na silang pondo. Pero bakit mo bibigyan ngayon ang e-sabong operators ng full access o full authorization ng 25 years na hindi pa nga nakaka-six months, hindi mo pa nakikita kung eto talaga ay nakakabuti o nakakasama or neutral sa ating society,” sabi ni Cayetano.

Iminungkahi ni Cayetano sa mga miyembro ng Kamara na hayaan na lang muna ang PAGCOR na i-regulate ang e-sabong at makalipas ang anim na buwan ay gumawa ng ulat para malaman kung magkano ang kinita ng gobyerno mula rito at kung ano ang naging masamang epekto nito sa lipunan sa halip na magbigay kaagad ng 25-taong prangkisa.

Noong Setyembre ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang prangkisa ng Lucky 8 Star Quest Inc.

Noong Nobyembre ay pumasa naman sa committee level ang prangkisa para sa Visayas Cockers Club, Inc.

Nauna ng kinondena ni Bishop Pablo Virgilio David, ang bagong luklok na pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang legalisasyon ng e-sabong na tinagurian niyang “one of the most disastrous things” na nagawa ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?