40

Mar 5, 2020 @ 18:44
By

Cayetano kay Leachon: Walang anomalya sa 2020 budget

Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano na walang nangyaring anomalya sa napagtibay na 2020 national budget partikular ang sinasabing naisingit na ‘pork’ ng ilang kongresista.

Tugon ito ni Cayetano sa akusasyon ni Mindoro Oriental Rep. Salvador ‘Doy’ Leachon na ilan umanong kongresistang dikit sa una ay nakapagsingit ng ‘pork’ sa budget.

Partikular umano si House Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na nagsingit umano ng P6B ‘pork’.

Ngunit giit ni Cayetano, isang malaking kasinungalingan at ‘unfair’ ang naturang paratang ni Leachon.

“It’s completely untrue, if you look at the district of Doy Leachon, bilyon din ang nadagdag. If you look at some who are close to me nabawasan. So, it’s unfair, unfair ‘yung ganung klaseng statement,” giit ni Cayetano.

Malinaw na pang-iintriga lamang ang ginagawa ni Leachon at gusto lamang palabasing may anomalyang nangyari sa budget na isang malaking kalokohan.

“Kung papalabasin nila na may anomalya na nangyayari sa budget, foul ‘yun,” ayon kay Cayetano kasabay ng pagsasabing, “Everything is above board.”

Paliwanag pa ng House leader na hindi maituturing na ‘pork’ ang mga inilatag na proposed amendments ng Kamara sa budget dahil ito’y pondo na inilaan lamang sa mga ahensiya.

Tinukoy nito ang P1-billion camp development fund na inilaan sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

“Is that pork? I do not even know which camp will benefit from the appropriation,” dagdag pa ni Cayetano.

Matatandaang si Leachon ay sinibak bilang head sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) matapos umugong ang balitang planong pagpapatalsik kay Cayetano.

Itinuro naman ni Cayetano si Marinduque Rep. Lord AllanVelasco na siya umanong namumuno sa planong kudeta.

Si Leachon ay dikit kay Velasco.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?