111

May 23, 2021 @ 16:25
By

Cayetano gigil maipasa ang P10K ayuda sa Kamara

Nanawagan si dating Speaker Alan Peter Cayetano at mga kaalyado nito sa Kamara de Representantes na ipatawag ang Committee of the Whole upang pag-usapan ang panukalang P10,000 ayuda bawat pamilya na inalis sa Bayanihan to Arise As One (Bayanihan 3) bill.

Sinabi ni Cayetano na mapabibilis ang pagpasa ng Bayanihan 3 kung ipatatawag ang Committee of the Whole. Dalawang linggo na lamang bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa Hunyo 5.

“I don’t think it’s time to think about politics. We have to think about sa impact sa economic life nung mga tao. So, I’m hoping na makumbinse namin ang mga kasamahan,” sabi ni Cayetano.

Handa umano ang BTS o Balik sa Tamang Serbisyo (BTS) movement na itinayo ni Cayetano na magbabad sa deliberasyon ng Kongreso gaya ng talakayin nito ang Bayanihan 1 at 2.

Iginiit ni Cayetano ang pangangailangan na maipasa ang P10,000 ayuda o P1,500 bawat miyembro ng pamilya alinman ang mas malaki dahil sa impact nito sa mga nangangailangan.

“Mas may impact sa buhay ng tao ‘yung P10,000 per family because sapat ito na magbayad ng tubig, kuryente, [at] konting pagkain. Pero kung mga kalahati ng P10K, pwedeng ipangnegosyo,” dagdag pa ni Cayetano.

Sa ilalim ng Bayanihan 3 na ipinasa ng mga komite ng Kamara, bibigyan ng dalawang tig-P1,000 ang bawat Pilipino.

Nilinaw naman ni Cayetano na hindi tutol ang BTS sa Bayanihan 3.

“Pabor kami sa Bayanihan 3. In fact, naliliitan kami sa pondong ‘yun. But napakaimportante sa amin na ‘yung unang bigay is ‘yung sa tao na direkta. Kasi kahit anong tulong mo sa negosyo, kung ang tao ay walang pera, wala ring customer ‘yung mga negosyo,” sabi pa ng solon.

Noong Biyernes ay namigay ang grupo ni Cayetano ng tig-P10,000 ayuda sa may 200 pamilya sa Laguna.

Noong Mayo 1 ay nasa 200 pamilya rin ang binigyan nito ng tig-P10,000 mula sa mga mahihirap na barangay sa iba’t ibang siyudad ay munisipalidad.

Mula Pebrero hanggang Abril ay nasa 38 pamilya naman ang binigyan ng tig-P10,000 sa Caloocan City, Pasig City, Quezon City, at Cavite.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?