36

Jan 9, 2022 @ 17:36
By

Cayetano: DMW hakbang para hindi maloko gustong mag-OFW

Isa umanong malaking hakbang ang pagtatayo ng Department of Migrant Workers (DMW) upang hindi mapagsamantalahan ang mga Pilipino na nais na magtrabaho sa ibang bansa.

Ayon kay dating House Speaker at incumbent Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano, kasama sa batas na magtatayo ng DMW ang pagtiyak ng pagkakaroon ng ethical recruitment.

“Kasi ‘pag desperado o maraming economic crisis, maraming mga recruiter na nanloloko din o maraming mga employer din. O kaya, sa mga bansa na medyo hirap sa karapatan ng migrant workers, naaapi talaga. So, I wanted to make sure na yung ethical recruitment, nandiyan sa bagong batas,” sabi ni Cayetano.

Si Cayetano ang isa sa pangunahing may-akda ng panukala. Siya ang speaker ng aprubahan ito ng Kamara de Representantes.

“I think una tayo sa buong mundo na ilagay ‘yun sa batas and magkaroon ng departamento [para sa Migrant Workers],” dagdag pa ni Cayetano. “At the heart of this bill is ethical recruitment.”

Nagbabala naman si Cayetano sa publiko laban sa mga mapagsamantala kaya dapat umanong mag-ingat at hindi basta mahulog sa mga magagandang pangako sa pagtatrabaho sa ibang bansa.

Bagamat maaari na umanong magtalaga ang Pangulo ng magiging kalihim ng DMW bibilang pa umano ng panahon bago tuluyang maitayo ang bagong departamento.

Binibigyan ng batas ng dalawang taon ang gobyerno upang mabuo ang DMW.

Habang wala pa, ipagpapatuloy ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang mga trabaho sa pagtulong sa mga OFW.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?