52

Nov 18, 2021 @ 17:51
By

Cayetano binarahan e-sabong

Sinuportahan ni incumbent Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang panawagan ni House Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva sa Kongreso na huwag ipasa ang panukala na magbibigay ng prangkisa sa e-sabong.

Sinabi ni Cayetano na lubhang malaki ang problemang dadalhin ng sugal sa lipunan kaysa sa maidudulot nitong mabuti.

“The economy may rake in millions from e-sabong now, but at what cost? Many families will go bankrupt, and this will lead to a host of other problems,” sabi ni Cayetano sa isang pahayag.

Noong Lunes ay inaprubahan ng House Committee on Ways and Means ang tax provision ng panukala na magbibigay ng 25-taong prangkisa sa e-sabong company na Visayas Cockers Club, Inc.

Noong Setyembre ay inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang e-sabong franchise ng Lucky 8 Star Quest, Inc.

“What our people need are jobs and livelihood opportunities, not encouragement to waste what little money they have left, fall into massive debts, and destroy their families,” sabi pa ni Cayetano.

Binanggit ni Cayetano ang kaso ni Erick John Suelto, isang 19-anyos na estudyante sa Maco, Davao de Oro na inaresto noong Nobyembre 3 matapos na umabot sa P561,000 ang utang nito dahil sa e-sabong.

“Let’s not wait for more people to get addicted to gambling and fall into debt. Let’s protect our fellow Filipinos, especially our youth,” dagdag pa ng solon.

Nauna rito, sinabi ni Villanueva na hindi dapat hayaan ng Kongreso ang kasamaang dala ng online gambling gaya ng e-sabong na kumalat sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?