41

Dec 26, 2017 @ 14:26

Cavaliers, durog sa tambalang Durant at Thompson

Pumoste ng 25 points si Kevin Durant habang may 24 si Klay Thompson at parehong may papel sa krusiyal na play ang dalawa sa huling segundo ng laro para iangat muli ang NBA champion Golden State Warriors kontra Cleveland Cavaliers, 99-92, nitong Lunes (Martes, Manila time).

Ikatlong sunod na paghaharap na ito ng Warriors at Cavs sa holidays at sa ika-12 pagkakataon sa 13 games ay nanaig ang Warriors para umakyat sa 27-7 ang kartada habang dapa sa 24-10 ang Cavaliers.

Nakauna ng abante ang Golden State, 90-81, ngunit sinagot ito ng 11-2 run ng Cleveland at naitabla sa 92-92 sa layup ni LeBron James, may dalawang minutong natitira sa orasan.

Naipasok ni Thompson ang 3-pointer para sa Warriors habang binigyan ng malagkit na depensa ni Durant si James para mapuwersa na mabitawan ang bola at ma-out of bounds.

“He wants to guard him,” ani coach Steve Kerr sa kagustuhan ni Durant na depensahan si James. “It just so happens that KD is the right matchup for us and he wants the job.”

Naibalik ang bola sa Cavaliers matapos magmintis ng dalawang 3-point shots ang Warriors, lumagare sa basket si James at kitang na-foul pero hindi tinawagan ng reperi, at sinabing out of bounds si LeBron.

“I lost it on the left wing. He got me a little bit, but I lost that one,” ani James. “But the one right before the overturn, he fouled me twice. But whatever. What are you going to do about it?”

Bunga nito ay kinailangan ng Cavs na mag-foul para mapahinto ang orasan ngunit naipasok lahat ang apat na free throw ni Thompson para maselyuhan ang panalo ng Golden State.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?