46

Catanduanes governor, sinuspinde ng DILG

Dalawang araw bago maging epektibo ang pagbabawal na suspendihin ang mga inihalal na lokal na opisyal, sinilbihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng six-month preventive suspension si Catanduanes Governor Joseph Cua.

Epektibo simula kahapon, Enero 11 ang suspension order na inilabas ni DILG Region 5 Director Anthony Nuyda at ito ay dahil sa pang-abuso sa kapangyarihan ng opisyal.

Nag-ugat ang utos sa mga reklamo sa Office of the Ombudsman laban kay Cua na abuse of authority, conduct prejudicial to the interest of public service, dishonesty at grave misconduct ng isang Rey Mendez noong nakaraang Setyembre.

Kasama rin sa inireklamo ni Mendez si Bato Mayor Eulogio Rodriguez ngunit ibinasura ng Ombudsman ang reklamo dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Ibinase ni Mendez ang mga reklamo sa pagpayag ni Cua na magamit ng isang pribadong kompaniya ang isang bakanteng lote na pag-aari ng gobyerno nang walang resolusyon mula sa sangguniang panglalawigan.

Ang pribadong kompaniya ay ang E.R. Construction, na pag-aari diumano ng asawa ni Rodriguez. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?