71

By

Castro umarangkada, KaTropa angat sa Dyip

Nagpamalas ng katatagan ang TNT KaTropa sa krusyal na bahagi ng labanan upang itakas ang 125-120 panalo kontra Columbian Dyip sa tampok na laro Sabado ng gabi sa eliminasyon ng 2019 PBA Governors Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.

Sinandigan ng KaTropa ang apat na sunod na puntos ni Jayson Castro at isang tres ni KJ McDaniels upang ilayo ang laban mula sa dikit na 113-all tungo sa pagpakipit muli sa 121-115 abante at pagsungkit sa ikaapat nitong sunod na panalo at solong liderato sa torneo.

Pinamunuan ni Don Trollano ang KaTropa sa itinalang 19 puntos, 6 rebounds, 3 assists, at 2 steals habang si McDaniels ay may 29 puntos, 17 rebounds, 6 assists, 1 steal at 5 blocks.

Ito ang unang pagkakataon na nagawa ng KaTropa ang 4-0 start na huli nitong naitala sa pagsisimula noong 2016 Governors Cup.

Nahulog naman ang Columbian Dyip sa kabuuang 2-2 baraha.

Nagawa ni McDaniels ibigay ang 12 puntos na abante sa KaTropa sa 5:31 ng ikalawang yugto sa 55-43 matapos na makawala para sa isang dunk.

Isang beses lamang nahawakan ng Columbian ang isang puntos na abante matapos ihulog ni import Khapri Alston ang apat na sunod na puntos sa natitirang 35 segundo ng unang yugto sa iskor na 31-30.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?