386

Sep 26, 2019 @ 17:28
By

Castro nag-lobby ng proyekto kay Lacson

Ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson nitong Huwebes na nagtangka umanong lumapit sa kanya si Capiz Representative Fredenil Castro para mag-lobby ng isang project.

“He was trying to have an audience with me before this came out. And di ko hinarap. Ito, ngayon, nariyan, nakakita ako ng visitor’s slip. Cong Fred Castro would like to visit. Tinanong ko staff ko. Mukhang meron siyang gustong i-lobby na project,” pahayag ni Lacson sa panayam.

Subalit hindi umano niya hinarap si Castro dahil hindi ito nakipag-ayos sa kanya matapos siyang banatan nito noong 2018 sa isyu ng pork barrel at federalism.

“Long before that. Hindi ko siya nakausap kasi hindi ko siya kinausap. What for? In 2018 he kept hitting me not only on the issue of pork, pati sa federalism. Malumanay ‘yan na magsalita na masakit. Bakit ko siya haharapin, di pa siya nag-make amends sa mga atraso niya sa akin last year,” lahad ni Lacson.

“Hindi ako makikipagplastikan sa kanya, hindi ko nature na ‘O Congressman’ parang walang nangyari, di ako ganoon. So I chose not to talk to him. And then when this thing came out I asked my staff parang merong ano ah, ‘Oo Sir meron ata ila-lobby na project’,” dagdag pa nito.

Hindi naman matiyak ng senador kung nasa Senado na noon si Castro nang makita niya ang visitor’s slip noong Agosto o Setyembre ng taong ito.

Sabi ni Lacson, posibleng gusto umanong mag-lobby sa kanya ni Castro ng project para sa 2020 budget at hindi harangin ang pondo nito.

“Yun lang iniisip ko, para hindi ko harangin, siguro titimbre niya na ito para sa constituents. Sa akin lang ‘yan. Di ko alam kung totoo,” ani Lacson.

Nang tanungin naman kung ganun din ang gagawin niyang pagtrato kina House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. at Anak Kalusugan Rep. Mike Defensor, na naunang nang bumatikos sa kanya dahil sa mga puna nito sa ‘pork’ insertion sa national budget, sinabi nitong, “Ayoko ko rin sila kausapin.”

Tingnan sa link ang lobby letter ni Castro kay Lacson:

FICTIONAL?! Read Rep. Castro’s Lobby Letter to Sen. Lacson

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?