102

Apr 13, 2021 @ 19:21
By

Castro: Duterte puro palusot, walang ipinakitang plano

Hindi palusot kundi malinaw na plano umano ang nais na marinig ng publiko kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay House Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sinasayang lang ni Duterte ang oras, yaman, sakripisyo at buhay ng tao dahil wala itong ginagawa para gumanda ang takbo ng healthcare system sa bansa.

“Hindi namin kailangan ng mga palusot kung nasaan siya sa nakalipas na dalawang linggo. Kailangan ng taumbayan ng konkretong aksyon na tutugon sa batayang panawagan ng mga healthcare workers at ng mamamayan para sa pagsugpo ng pandemya,” ani Castro.

Sa loob ng dalawang linggo na nawawala si Duterte, sinabi ni Castro na nagpatuloy ang 20% positivity rate sa mga kaso ng COVID-19 at libu-libo ang namatay sa nakaraang apat na araw.

“Those two weeks when the people are most suffering, the President chose to stay absent,” dagdag pa ni Castro.

Ayon sa lady solon, kung ginawa lamang umano ni Duterte ang kanyang trabaho ay mas maayos sana ang kalagayan ng bansa.

“Hindi COVID ang pumapatay sa mamamayan kundi ang palpak na mga polisiya ng administrasyong ito sa pagsugpo ng sakit at ang gutom dahil sa mga pahirap at militaristang lockdown na walang sapat na ayuda para sa pinakamahirap na mamamayan ng ating bansa,” wika pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?