76

Nov 6, 2017 @ 15:48
By ,

Casino sa QC, haharangin ng 4Ks

Hindi papayagan ng bagong tatag na Kilusan Kontra Kasino sa Kyusi (4Ks) ang planong pagtatayo ng Casino sa Quezon City, dahil ito umano ay isang malakihang sugal na magdudulot lamang ng maraming usaping panlipunan sa mga mamamayan ng pinakamalaking siyudad sa Metro Manila.

Sa ginanap na press conference, sinabi ni Edwin Rodriguez, punong convenor ng 4Ks, na mas maiging manatili ang mga casino joints sa mga siyudad na may maraminh turista sa halip na sa Quezon City na isang residential city.

Aniya, impraktikal na itayo ang mga casino joints sa lungsod ng Quezon dahil may malaking bilang ang siyudad ng mga off-track betting stations (OTBs) para sa karera ng kabayo, sabong at parlor shops para sa electronic games, o e-games.

“Tumatanggap ang mga OTBs at parlor shops ng pusta mula sa mga mamamayan ng QC,” ani Rodriguez.

Ang naging pahayag ni Rodriguez ay matapos na makatanggap siya ng ulat na tatalakayin ng QC Sangguniang Panlunsod ang isang panukalang ordinansa na magtatayo ng casino sa siyudad.

Hinikayat rin ni Rodriguez ang Sangguniang Panlunsod na bigyang konsiderasyon ang mga maraming usaping bumabalot sa malakihang pagsusugal bago gumawa ito ng desisyon.

Binigyang-diin ng pangulo ng 4Ks, dahil 24/7 ang operasyon ng mga casino joints, hindi nagsasara ang mga ito gaya ng karera sa kabayo at sabong na may takdang oras.

“Wala rin limitasyon sa mga taya kaya nakaka-adik,” giit ni Rodriguez.

“Alam natin ang dimensyong moral at panlipunan ng malaking pagsusugal na kung saan ang mga pinakamatatag na pamilya ay nasisira at nagkakahiwalay,” dagdag pa ng 4Ks president. (Dolly B. Cabreza with trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?