106

Feb 17, 2018 @ 15:55
By

Cash for work ng evacuees sa Albay, ibinigay na ng DSWD

Ipinamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pondo para sa cash for work para sa mga apektadong residente ng pagputok ng Bulkang Mayon sa Albay.

Ayon kay DSWD Sec. Emmanuel Leyco, unang nakatanggap ng pondo ang mga residente ng Daraga at Guinobatan na aabot sa P7.7 milyon para sa 2,658 na benepisaryo at kasunod na ang iba pang bayan.

Inabisuhan na ng DSWD ang mga local government unit (LGU) na maaari na rin nilang makuha ang kanilang tseke sa DSWD office sa Legazpi City para naman sa iba pang residente mula sa ibang bayan na nananatili pa rin sa mga evacuation center.

Sinabi ni Leyco na mananatili ang cash for work program para sa mga residente ng Albay hanggang sa patuloy ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon at habang nasa mga evacuation center ang mga ito.

Ang cash for work program ay short term intervention ng DSWD para bigyan ng panandaliang trabaho ang mga apektadong residente sa ilalim ng nilagdaang memorandum of agreement ng DSWD sa mga LGU ay tatanggap ng P290 kada araw ang isang residente sa loob ng 10 araw na trabaho.

Ang trabaho na gagawin ay base sa mga pangangailangan sa evacuation centers kasama na rito ang preparedness, mitigation, relief, rehabilitation o risk reduction projects.

Ang pondo para sa nasabing programa ay ililipat ng DSWD sa LGUs para sa mas maayos na pamamahagi nito sa mga residente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?